LATE NIGHT VISIT at the redemptorist convent, nakasalamuha ko itong kagampan o buntis na pusa sa paanan mismo ng original na altar ng Our Mother of Perpetual Help sa simbahan ng Baclaran, wari'y nagbabantan. Maaaring alaga ito ng mga taga-kumbento.
Naala ko tuloy ang alamat ng pusang nakaidlip sa sabsaban kasama ang sanggol na Hesus. Ayon sa kuwento, ang pusa ay tumabi sa banal na sanggol para ito mainitan sa gitna ng lamig. Dahil dito, binasbasan ni inang Maria ang pusa. Bilang pasasalamat, iniwan sa nuo nito ang kanyang initial na "M" bilang tanda. Kaya ang mga sumunod na henerasyon ng mga tabby cat ay dala ang nasabing tanda sa nuo.
Isang "cute" na kuwento. Bagamat isang legend lamang, pambatang istorya, ika nga, marahil kapirasong paglalarawan ito ng ating inosente o payak na pagtugon sa pananampalataya. Ika nga ni Hesus, "sinasabi ko sa inyo: Malibang kayo ay magbago at tumulad sa maliliit na bata, hindi kayo makakapasok sa paghahari ng langit." (Mateo 18:3).
Anuman po ang ating pinagdaraanan, malalaming problema, nawa'y maglakas-loob tayong lumapit sa Diyos ng may pananampalataya ng tulad ng isang bata. At gaya ng mga payak na nilalang, tulad ng pusa, matuto rin tayong magpuri sa Lumikha, at laging tumunghay sa sanctuario ng kabanalan. Tulad sa nakasaad sa salmo, "Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang; lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan." (Awit 149:10).
- Dan Quetulio Brizuela